Ni ESTONG REYES
SA isang pambihirang pagkakataon, kinatigan ng oposisyon sa Senado ang desisyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na palayasin sa kanselahin ang land use agreement ng Socorro Bayanihan Services Inc. sa protected area na sakop ng Surigao del Norte.
Sa isang pahayag, nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno at maging sa lokal na pamahalaan para sa kolektibong pagkilos na nakatuon sa proteksyon ng 353 ektaryang Siargao Island Protected Landscape and Seascape (SIPLAS) kung saan nanahan ang grupo sa nakalipas na 20 taon.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kaugnay ng di umano’y pang-aabuso ni SBSI president Rence Quilario (alyas Senior Agila) sa mga kababaihang miyembro, iniulat ng DENR ang nakatakdang paglilipat sa 1,425 pamilyang pawang kapanalig ng kulto ni Quilario.
Kabilang sa mga ipinukol na alegasyon laban kay Quilario ang child marriage, panggagahasa sexual abuse, at forced labor – mga bintang na itinanggi ng lider ng kulto.
Sa committee report, inirekomenda ang pagkansela ng kasunduan ng DENR at SBSI at tiyakin na magkaroon ng maayos na reintegration and rehabilitation plan para sa komunidad.
“Dapat magtulong-tulong ang ating mga ahensya, kasama ang lokal na pamahalaan ng Socorro at Surigao del Norte, para pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan ng Sitio Kapihan. Mga biktima din sila ng kahirapan na napilitang kumapit sa mga pangako at panloloko ni Senior Agila,” wika ni Hontiveros.
Nitong Lunes, ipinahayag ng DENR na kanselado na ang kasunduan sa SBSI. Nakatakda na rin ilipat ang lahat ng settlers sa lugar sa angkop na paninirahan sa labas ng bundok.
“Tulad ng ipinahayag ko sa aming mga hearing, dapat magkaisa ang Estado para matiyak na ang bawat miyembro ng Kapihan ay makapamuhay ng may dangal at dignidad,” aniya pa.
“Nais ko ring ipanawagan sa mga taga-Kapihan na mag-cooperate sa awtoridad sa prosesong ito. We only wish for them to live in safety, freedom, and genuine peace,” pahabol ni Hontiveros.
