MATAPOS kumalat sa social media ang balitang babalutin ng karimlan dulot ng solar eclipse ang buong daigdig, dali-daling nagtungo ang mga residente sa bayan ng Socorro, Surigao del Sur sa mga pamilihan para mamakyaw ng bigas at iba pang pangunahing pangangailangan.
Kwento ng isang Edelito Sangco na nagpakilalang chairman ng Socorro Empowered Peoples Cooperative (SEPC), lubhang natakot ang mga residente sa napabalitang tatlong araw na mananatiling madilim sa buong mundo.
Gayunpaman, nilinaw ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na walang basehan at lalong hindi totoo ang kumalat na social media posts sa epekto di umano ng Great North American Eclipse na naganap noong Abril 8.
Apela ng PAGASA sa publiko, maging mapanuri sa mga nababasa at napapanood sa social media, kasabay ng panawagan sumangguni sa mga kinauukulan na ahensya ng pamahalaan para hindi maging biktima ng fake news.
