Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI angkop na tawaging prayer rally ang isang pagtitipon ng mga trapong “bitter” kasi wala sa pwesto.
Ito ang buod sa kabi-kabilang patutsada ng mga kongresista kaugnay ng tinaguriang peaced prayer rally sa Tagum City kung saan muling inupakan ni former President Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Marahil, hindi accurate tawagin na peace rally yung mga ginagawa nung grupong iyon,” pambungad na pasaring ni House Deputy Majority Leader at Tingog partylist Rep. Jude Acidre ng hingan ng reaksyon sa aniya’y entabladong pinuno ng reklamo ng mga taong walang hangad kundi guluhin ang gobyerno.
Ayon kay Acidre, malayo sa kapayapaang pakay ng mga nagdaang “peace rally” ang mga salitang binitawan ni Duterte at mga alipores.
“Siguro ang maganda lang, o mas magandang gawin (nila) ay mas pagtuunan na lang natin ng pansin ang mga bagay na mas magbibigay-linaw at magbibigay solusyon sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa,” wika ng Tingog partylist solon.
Diin pa ng ranking House official, nakikita naman na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay “patuloy na nagtatrabaho, patuloy na nagsusumikap at nandoon din yung suporta ng majority ng Congress, ng majority kundi naman lahat ng ating mga local government units.”
“It’s simply out of place in a country that’s trying to build its confidence, trying to win the confidence of the international community. Karapatan naman ‘ho na talaga ng mga tao na ipalabas ang kanilang mga hinaing at kanilang mga opinyon sa mga pangyayari,” dugtong ni Acidre.
“Pero para sa isang dating opisyal, sana po ay mangibabaw ang tungkulin na isulong ang mas nakakabuting interes ng ating bansa at ng nakararami,” aniya pa.
Para kay Assistant Majority Leader at Manila 1st District Rep. Ernesto Dionisio Jr., kung kapayapaan ang tema ng pagtitipon, dapat pagsuporta sa nakaupo at mayroong malaking mandato na Pangulo ng bansa ang dapat isagawa ng mga organizers.
“Kung tatanungin lang ninyo, peace prayer rally, I would be in support. Siguro dapat ang mas dapat gawin ng mga ibang opisyal o ng ibang mga kababayan natin, imbes na mag-criticize, I think we should pray for the President. Ipadasal na magtagumpay ang Pangulo natin. Because remember, if the President succeeds, the country will,” apela ni Dionisio.
Sang-ayon naman ni si Deputy Majority Leader at Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” A. Dy V sa sinabi nina Acidre at Dionisio.
Nakalulungkot aniya na sa tinatawag na peace rally, ang pawang paninira ng mga dating opisyal ng gobyerno sa Pangulo.
“It’s not all about peace, puro paninira ang nangyayari, puro pangbabastos pa, puro paninira sa ating current administration. But they’re not even offering any solution to what they’re saying,” himutok ni Dy.
“Nakakapagtaka na patuloy po itong nangyayari. At this time now, na we’re trying to get support from the international community, we’re opening our country up. We should all be supportive of the current administration and what the President is doing,” dagdag pa ng Isabela congressman.
