
GOLPE-de-gulat ang paglalarawan ng isang pro-Duterte vlogger sa pagsalakay ng Philippine National Police – Criminal Investigation group (PNP-CIDG) sa kanyang tahanan sa Cebu City kahapon ng madaling araw.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni CIDG chief Brig. Gen. Nicolas Torre III ang pagsalakay ng pulisya sa bahay ng vlogger na si Ernest Jun Abines sa Barangay Sambag Dos ng nabanggit na lungsod.
Gayunpaman, nilinaw ni Torre na legal ang pagsalakay sa bisa ng search warrant na inilabas ng Cebu City Regional Trial Court (RTC) Branch 10 kaugnay ng umano’y pagkakalat ni Abines ng fake news.
“Actions have consequences. Pinakalat mo na naospital ako. Nagdulot ito ng pag-alala at pagkabalisa sa pamilya at mga kaibigan ko. Ano ang naging aksyon ko? Sumandig ako sa batas, naniniwala ako na mali man ang ginawa mo ay may karapatan kang humarap sa korte at mabigyan ng due process,” saad sa Facebook post ni Torre.
Kumpiskado sa naturang operasyon ang cellphone at computer na ginamit umano ni Abines sa pagpapakalat umano ng fake news sa social media.
Higit na kilala si Abines na malapit sa mga Duterte. Siya rin ang tumatayong co-convenor ng Hakbang Maisug-Cebu na nasa likod ng ginanap na People’s Indignation Rally kontra sa napipintong impeachment trial ng senado sa pangalawang pangulo.
“When the PNP-CIDG invaded my home and confiscated my celfon, they tried to download and prove my celfon for three hours on site. I believe what they did was illegal for tampering my celfon which is an evidence that’s supposed to be preserved,” saad ni Abines sa social media ilang saglit matapos ang operasyon ng pulisya.
“Pag ako naging missing, si Torre ang primary suspek. He is using the whole PNP organization to protect the bangag administration and to protect his own interest,” pahabol ni Abines.