SA halip na baril, malamig na rehas ang hawak ngayon ng isang pulis matapos dakpin ng mga kabaro bunsod ng reklamong inihain ng live-in partner sa lungsod ng Kidapawan sa lalawigan ng Cotabato.
Hindi na halos makilala ang biktimang kinilala sa pangalang Shaira Basmayor na di umano’y binugbog ni Corporal Louie Lumancas na nakadestino sa Magpet Municipal Police Station sa natrang lalawigan.
Kwento ng biktima, hindi ikinatuwa ng suspek ang kanyang pakikipagkalas matapos niyang mabistong may asawa na pala ang kinakasamang pulis.
Sa gitna ng pagtatalo, binugbog at tinutukan pa ng suspek si Basmayor gamit ang kanyang service firearm.
Kabilang rin sa hawak na ebidensya ng pulisya ang video na kuha na ipinost sa social media ng isang kapitbahay.
Sa kaugnay na balita, kinondena naman ni Senador Risa Hontiveros ang hayagang pang-aabuso ng pulis.
“The video is a horrifying reminder of the level of violence that Filipino women are subjected to, often at the hands of their own husbands or partners.”
“Dapat manatili sa kulungan ang pulis na ito. Maliwanag ang paglabag sa RA 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Children Act. Kuhang-kuha sa camera ang krimen. It is even more infuriating that he who is supposed to enforce the law is the one to also brazenly commit a crime,” saad ni Hontiveros sa isang pahayag.
“I send my tightest hug to my fellow woman, Shaira, who has had to endure such cruelty. Bilang Chairperson ng Senate Committee on Women, handang makipagtulungan ang kumite at ang opisina ko sa iyong pagkamit ng hustisya at paghilom,” dagdag pa niya.