
ANG dapat sana’y pagdalaw lang sa bilangguan, nauwi sa mahabang bakasyon sa kulungan matapos mabisto ang isang ginang sa tangkang pagpupuslit ng droga para sa bibisitahing preso.
Sa ulat ng lokal na pulisya, timbog ang hindi pinangalalang suspek matapos mabisto ang drogang ikinubli sa pagkain habang isinasagawa ang routine inspection sa mga may mga nais bisitahin sa lock-up facility ng Imus City Police Station sa Cavite.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas 5:40 ng hapon nang dumating ang dalaw na may bitbit di umanong pagkain para sa isang detainee ng naturang himpilan sa Barangay Malagasang.
Habang kinakalkal ang dalang pagkain, tumambad ang isang paketeng naglalaman ng droga. Sa pagsusuri, lumabas na positibong shabu (na may timbang na isang gramo) ang nakuha ng mga pulis sa pagkaing dala ng babaeng dalaw.
Dito na pinosasan ang babaeng dalaw na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002).