HABANG abala ang mga abogado ng puganteng gaming tycoon sa pakikipagnegosasyon sa mga naulilang pamilya ng tinaguriang missing sabungero, libo-libong piraso ang buto ng tao ang narekober ng pulisya sa lawa ng Taal na pinaniniwalaang nagsilbing himlayan ng mga biktima.
Ayon kay Philippine National Police – Forensic Group director Police Colonel Pierre Paul Carpio, nakalap ang mga buto sa isinagawang 134 disaster victim identification operations mula pa noong Hulyo 2025.
Sa pagtataya ni Carpio, aabot sa 2,000 ebidensya ang nakalap mula sa mga operasyon, kabilang ang mga buto ng tao at hayop, mga personal na gamit, at iba pang artifacts na agad isinailalim sa forensic examinations tulad ng DNA testing, dental at anthropological analysis.
“These were subjected to proper examination and procedures. After analysis, we have identified a total of 1,400 human bone fragments,” wika ni Carpio.
Gayunpaman, aminado ang PNP official na hindi madali para sa mga eksperto tukuyin ang pagkakakilanlan bunsod ng “acidic lake water.” Malaking hamon din umano ang mataas na temperatura ng lawa na nagpapabilis sa pagkasira ng mga buto at DNA.
