HINDI na pwedeng isabay sa takdang petsa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang special election sa nabakanteng pwesto ni dating Congressman Arnolfo Teves Jr. sa ikatlong distrito ng Negros Oriental.
Gayunpaman, sinisilip ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng special election pagsapit ng Disyembre sa hangaring agad na mapunan ang bakanteng pwesto bilang kinatawan ng nasabing distrito.
Una nang pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 1212 na inakda nina House Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Minority Leader Marcelino Libanan.
Sa ilalim ng HR 1212, sinertipikahan ng Kamara ang bakanteng pwesto sa Kamara, partikular sa distritong dating kinakatawan ni Teves sa loob ng mahabang panahon.
Bago pa man ipinasa ng Kamara ang HR 1212, sinibak ng mga miyembro ng Kamara si Teves na idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council bunsod ng mahabang talaan ng patayan at karahasan sa Negros Oriental sa nakalipas na limang taon.
“The earliest we can conduct the special elections is in December 2023,” ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
Paglilinaw ni Garcia, pwede pa rin naman aniyang kumandidato ang pinatalsik na kongresista dahil wala pa naman aniyang probisyong ‘perpetual disqualification’ na inilapat kay Teves.