
DAHIL sa sukdulang lakas ng hanging dala ng bagyong Pepito, naglabas ng Storm Surge Warning no.10 ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga baybaying lalawigan.
Panawagan ng PAGASA, agarang paglikas bunsod ng umano’y nakaambang panganib ng pagsampa ng dagat sa kalupaan sa loob ng 48 oras.
Sa pagtataya ng ahensya, nasa tatlong metro ang taas ng tubig na dulot ng storm surge na posibleng maranasan sa mga lalawigan ng Pangasinan, Aurora, Quezon, at Camarines Norte.
Nasa 2.1 hanggang 3 metrong taas ng tubig ang mararanasan sa Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Isabela, Bataan, Zambales, Metro Manila, Quezon, Batangas, Cavite, Marinduque, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, Sorsogon.
Habang nasa isa hanggang dalawang metro naman sa Ilocos Norte, Bataan, Bulacan, Pampanga, Metro Manila, Sorsogon.
Una nang naglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong lugar na ipatupad ang “preventive mandatory evacuation.”