HINDI na umabot ng buhay sa pagamutan ang apat na indibidwal – kabilang ang isang bata, matapos madaganan ng tumaob na trak ng bigas sa Pasig City.
Ayon sa Pasig City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), binabaybay ng truck ang panulukan ng Ortigas Avenue at Kalye Lanuza nang biglang tumagilid hanggang sa mahagip ang iba pang sasakyan
“Tumaob po ‘yung truck and may nahagip na mga motor… tatlong motor yun,” wika ni CDRRMO chief Bryant Wong.
Pahirapan din aniya ang rescue operation. Sa pagtataya ng mga rumespondeng kawani ng lokal na pamahalaan, hindi bababa sa 1,000 sako ng bigas ang karga ng naturang trak na dumagan sa mga biktima.
“Sobrang laki nung truck tapos given pa ‘yung weight ng mga bigas dun na nakatali pa during that time,” paliwanag ni Wong.
“Kanina may tsine-check pa kami kung may naipit pa doon sa may bigas so inusog pa muna siya,” aniya pa.
Tatlo naman ang sugatan kabilang ang truck driver at isang pahinante.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na nawalan ng preno ang trak. Nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko ang insidente.
