SAMPUNG araw matapos ang malagim na pagguho ng gabundok na basura sa landfill na pinapatakbo ng kumpanyang pag-aari ng oligarkong si Enrique Razon, pumalo na sa 32 katao ang kumpirmadong patay, batay sa datos ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO).
Pag-amin ng CCDRRMO, wala nang inaasahang marerekober na buhay sa mga indibidwal na natabunan ng basurang tinambak ng Prime Integrated Waste Solutions Inc. (PWSI) sa landfill sa Barangay Binaliw ng nasabing lungsod.
Gayunpaman, patuloy pa rin umano ang “search and retrieval operation” sa iba pang natabunan ng gabundok na basura.
Pag-amin ni Cebu City Councilor Dave Tumulak na tumatayong chairman ng CCDRRMO, lubhang delikado ang isinasagawang “search and retrieval” ng mga kawani ng lungsod dahil na rin aniya sa patuloy na pagsusungit ng panahon. (EDWIN MORENO)
