
WALANG puwang sa Central Visayas ang mga tinatawag na content creators na ang tanging hangad ay kumalap ng “views and engagement” para pagkakitaan ang viral post sa social media.
Ito ang mensahe ni Central Visayas regional police director Brig. Gen. Redrico Maranan matapos sampahan ng kasong kriminal ang isang vlogger na nag post sa social media ng video ng simpleng suntukan na pinalabas na “snatching incident.”
Partikular na tinukoy ni Maranan ang social media post ni alyas Jaissle ng isang suntukan sa loob ng bus na naganap noong Mayo 8 sa Yati, na sakop ng bayan ng Liloan sa lalawigan ng Cebu.
Ayon Maranan, nagdulot ng kalituhan sa publiko ang ang maling impormasyon na pinakalat ni Jaissle sa social media.
Kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances) at Section 6 ng Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ang inihain sa piskalya laban sa naturang vlogger.
Sakaling napatunayan may sala ng walang bahid alinlangan, posibleng hatulan ang vlogger ng pagkakakulong mula anim hanggang 12 taon.
Nanguna sa regular filing ng kaso ang Regional Anti-Cybercrime Unit 7 sa pangunguna ni Lt. Joshua Cruz sa tanggapan ng City Prosecutor.
Sa viral video ni Jaissle, pati umano ang isang himpilan ng radyo sa Cebu ay nahulog sa patibong ni Jaissle. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na isang simpleng alitan lamang ang nasabing insidente.
Pagtitiyak ni Maranan, agad na dadamputin ang vlogger sa sandaling ilabas ng husgado ang mandamiento de arresto.
Hinimok din ni Maranan ang publiko na maging mapanuri at responsable sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media at makiisa sa adhikain ng PNP na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lipunan. (EDWIN MORENO)