NI ESTONG REYES
MANANATILI sa likod ng rehas si Pastor Apollo Quiboloy matapos ibasura ng husgado ang petisyon para sa hospital arrest ng kontrobersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Sa resolusyon ng Pasig City Regional Trial Court (RTC), walang dahilan para isailalim sa hospital arrest si Quiboloy, batay na rin sa fresulta ng pagsusuri ng mga espesyalista sa larangan ng kalusugan.
Nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa Pasig RTC si Quiboloy na kilalang malapit na kaibigan ni former President Rodrigo Duterte.Kasalukuyang nakapiit sa custodial center ng Philippine National Police sa Camp Crame, Quezon City ang KOJC founder na nagsilbing presidential spiritual adviser ng dating Pangulo.
Bukod sa qualified human trafficking na nakabinbin sa Pasig RTC, nahaharap din Quezon City RTC ang kontrobersyal na pastor sa asuntong sexual at child abuse case.
Matapos ang pagbasura ng Pasig RTC sa petisyon, nagpahiwatig naman si Atty. Israelito Torreon na tumatayong abogado ni Quiboloy sa aniya’y motion for consideration na ihahain sa husgado.
Samantala, lubos na ikinalugod ni Sen. Risa Hontiveros ang pagbasura ng korte sa petisyong naglalayong isailalim si Quiboloy sa hospital arrest.
“Pinapakita lang ng ating mga korte na walang special treatment pagdating sa kaso ni Quiboloy. Hindi dapat paunlakan ang isang akusado sa mga krimeng human trafficking, rape, child abuse at marami pang iba,” diin ni Hontiveros.
