
NANGAKO si Senador Grace Poe na kanyang gagamitin ang lahat ng pamamaraan para tuluyang tuldukan ang pagmamalupit sa mga hayop sa bisa ng Animal Welfare Bill.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Poe na kanyang gagawan ng paraan ganap na maisabatas ang naturang panukala matapos malaman at mapatunayan na patuloy at tumataas ang bilang ng taong nang-aabuso sa alagang hayop tulad ng aso at pusa..
“Harrowing cases of animal cruelty pop up in the news and on social media, but too often, the abusers go unpunished,” ayon kay Poe.
“We need a more comprehensive and tougher law that will not only give perpetrators a slap on the wrist. Let’s make this happen in this Congress,” dagdag ng chairperson of the Senate Finance Committee.
Naunang inihain ni Poe ang Senate Bill No. 2458 na naglalayong aamyendahan ang 26-taong Animal Welfare Law sa pamamagitan ng paglalagay ng mas mahigpit na pamantayan, mas mabigat na parusa at paglikha ng Barangay Animal Welfare Task Force.
Aniya, mahalaga ang bawat araw na lumilipas upang maisabatas ang panukala dahil malapit na ang pagtatapos ng 19th Congress.
Magtatapos na rin ang termino ni Poe sa Senado. Gayunpaman, nilinaw ng mambabatas na ipagpapatuloy ang adbokasiya sa kagalingan ng alagang hayop.
Hindi dapat, aniya, na balewalain ang pang-aabuso sa hayop.
Binanggit ni Poe ang ulat sa Kabisayaan kung saan lumalabas na pinatay at saka sinunog ang asong nanghabol sa manok ng kapitbahay.
Tampok din ang viral video ng hindi pa natutukoy na tricycle driver habang hila-hila ang isang pusa.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang local officers na tugunan ang pagmamalupit sa mga alagang hayop.
Nakatakda din sa panukala ang isang probisyon na gagawing deputado bilang animal welfare enforcement officers ang lahat ng volunteer sa isasailalim sa angkop na pagsasanay.
Bukod dito, lilikha din ang batas ng pamantayan na may layuning itaguyod ang responsableng pagmamay-ari ng alagang hayop kabilang ang ethical behavior at pananagutin sa lahat ng may control o nagbibigay ng kalinga sa hayop.
“This bill is always worth fighting for as animal welfare reflects society’s capacity for compassion,” ani Poe. (Estong Reyes)