ALINSUNOD sa payo ng doktor, tuluyan nang tinalikuran ni former Ilocos Sur Governor Luis ‘Chavit’ Singson ang pangarap na maging senador matapos iatras ang kandidatura para sa May 2025 senatorial race.
Ang dahilan — tinamaan ng pulmonya.
Sa isang video post sa Facebook, ibinahagi ni Singson ang desisyon iwanan ang karera para bigyang daan ang kinakailangang pahinga.
“Mga kaibigan, mahalaga ng maayos ang kalusugan para magpatuloy ako sa pagtulong at magbigay ng saya sa inyong lahat… matapos ang mahabang pag-iisip, ang desisyon ko po, hindi na po ako tutuloy sa aking kandidatura sa Senado,” wika ni Chavit.
Pag-amin ng dating gobernador, siya’y tinamaan ng pneumonia. Katunayan aniya, kinailangan niyang manatili ng ilang araw sa hindi tinukoy na pagamutan, kasabay ng giit na bahagyang umigi na ang kanyang pakiramdam.
“Hindi po biro ang kampanya, lalo na ang trabaho ang isang senador, kung talagang magtatrabaho. Ayaw kong ipilit. Ang aking kalusugan ay maaring magdusa.”
“Kaya minabuti kong unahin ko muna ang aking pagpapalakas, upang mas lalo pa akong makatulong at makapaglingkod sa inyong lahat,” dugtong ng bilyonaryong politiko.
Mula nang maghain ng kandidatura para senador noong Oktubre, kabilang sa mga pangako ni Singson ang magbenta ng palugi ng mga modern electronic jeep para sa mga tsuper at operator na tinamaan ng jeepney phaseout ng Department of Transportation.”
“Walang collateral, walang down payment, at walang interest, isang malaking tulong para sa win-win solution dun sa deadlock sa pagitan ng DOTr at mga tsuper at operator.”
Bumida rin ang pangakong financial inclusion sa bisa ng Bangko ng Masa, at ang
“Chavit 500,” isang Universal Basic Income program na magbibigay aniya ng P500 kada buwan sa mga minimum wage earners o yaong mas mababa pa sa minimum wage ang kita. (Jimmylyn Velasco)
