SA gitna ng napipintong restriksiyon sa paggamit ng makabagong teknolohiyang higit na kilala sa tawag na Artificial Intelligence, nanawagan ang Commission on Elections (Comelec) sa mga aspirante sa nalalapit na 2025 midterm election na magpakatotoo sa paghingi ng boto.
Partikular na tinukoy ni Comelec chairman George Garcia ang paggamit ng AI para magmukhang mas bata ang gurang na kandidato at magmukhang gwapo o maganda ang mga chaka sa mga larawang ginagamit sa polyeto, tarpaulins at maging sa mga pinopost sa social media.
Ayon kay Garcia, dapat magpakatotoo ang mga politiko sa kanilang mga litrato para hindi ikagulat ng mga botante ang kanilang itsura sa sandaling magtama ang kanilang mga mata sa pag-iikot para mangampanya.
Batay sa pinakahuling anunsyo ng poll body, patuloy na pinag-aaralan ng Comelec ang pagpapataw ng parusa tulad ng disqualification laban sa mga kandidatong gagamit ng artificial intelligence at deepfake sa kanilang kampanya para sa 2025 midterm elections.
Ayon sa lider ng ahensya, magdudulot ng kalituhan sa eleksyon paggamit ng Artificial Intelligence lalo na sa kung ang target ay gibain ang pagkatao ng kalaban sa halalan.
Paglilinaw ni Garcia, hindi pa nagpapasya ang Comelec en banc sa mungkahing ipagbawal ang paggamit ng Artificial Intelligence sa susunod na halalan.
