SA ilalim ng modernong lipunan kung saan kailangan mabilis ang galaw ng negosyo at pangasiwaan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, hindi angkop ang makupad na internet, ayon kay Makati Rep. Luis Campos Jr. kasabay ng banta sa mga telecom companies.
Panawagan ni Campos sa mga kapwa kongresista, pagtibayin ang House Bill 10215 na nagpapataw ng multang P1 milyon kada araw para sa mabagal na internet connection na hatid ng mga telecom companies.
Para kay Campos, hindi sulit ang ibinabayad ng mga internet users kumpara sa palpak kung hindi usad-pagong na internet speed.
“The Philippines still has one of the slowest average mobile internet speeds in Southeast Asia, and we want to fix this through an act of Congress,” wika ni Campos na una nang napabalitang tatakbong alkalde ng Makati City kapalit ang asawang mayor na napipisil na kumandidato bilang senador.
Sa ilalim ng HB 10215, oobligahin ang mga telecom companies na tupdin ang compulsory internet speed na nakasaad sa kontrata sa mga sinisingil na internet users.
Pasok din sa naturang panukala ang parusang multa – tumataginting na P1 milyon kada araw sa palpak na serbisyo.
Sa datos ng kongresista, lumalabas sa mga pag-aaral na nasa 32.37 mbps lang ang average internet speed sa Pilipinas – mas mababa kumpara sa 45.05 mbps ng Thailand, 50.88 mbps ng Vietnam, 91.69 mbps ng Malaysia, 101.43 mbps ng Singapore at 102.41 mbps ng Brunei.
Target din ihanay sa kategorya ng “basic service” ang internet connection.
