MATAPOS magviral sa social media ang mga larawan ng isang McLaren sports car na may personalized license plate, itinanggi ni Bamban Mayor Alice Guo na kanya ang P33-million luxury car na nanalo sa isang car show sa Tarlac.
Giit ni Guo, simpleng tao lang di umano siya.
Gayunpaman, inamin niya sa isang panayam sa programa ni broadcast journalist Karen Davila na mayroon siyang isang helicopter.
“Actually it’s a show. Car show po yun sa Concepcion, Tarlac. Yung mayor po ng Concepcion kaibigan ko… nag-entry lang po kami for the car show – hindi ko po siya sasakyan. Hiniram po namin sa kaibigan ko para i-entry para lang sa show para maging mas masaya lang po ang mga kababayan namin. I don’t own the McLaren,” sambit ni Guo sa programa.
“Hindi po ako gano’n ka-powerful. Ako po ay isang simpleng mamamayan, ako po ay isang second-class municipality lang po,” wika ng alkaldeng target ng kabi-kabilang imbestigasyon kaugnay ng di umano’y kaugnayan sa ilegal na operasyon ng POGO hub hindi kalayuan sa kanyang tanggapan.
Ayon kay Guo, 2019 pa nang magkaroon siya ng isang helicopter na gagamitin sanang “air taxi” bilang negosyo.
Nang tanungin kung nasa kanya pa ang helicopter, sinabi ng alkalde na naibenta na niya ang naturang “air taxi.” Ang dahilan – hindi kumita.
“Naisip ko po siya bilang negosyo… pero binenta ko na po siya kasi hindi na rin po nagagamit at hindi po lumabas yung ine-expect ko po na magiging possible na operation,” palusot ng mayor.
