
NI ESTONG REYES
PARA kay Senador Erwin Tulfo, hindi angkop manatili sa pwesto ang isang opisyal ng Commission on Audit (COA) lalo pa’t kabilang ang kanyang asawa sa talaan ng mga kontratista sa likod ng mga flood control projects ng pamahalaan.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Tulfo ang Olympus Mining and Builders Group Philippines Corporation na si Marilou Laurio-Lipana na asawa ni COA Commissioner Mario Lipana.
Ayon sa senador, si Laurio-Lipana ang tumatayong presidente at punong tagapamahala ng kumpanyang nakasungkit ng P200-million flood control project mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH)
Aniya, posibleng nasa balag ng alanganin ang mandato ng COA bilang tagapagbantay ng pondo ng bayan kung ang mismong pamilya ng opisyal ang may kontrata sa gobyerno.
“Well, definitely, we have to look into that kasi it’s really a conflict of interest,” wika ng mambabatas.
“Yung isa sa kanila is in the government, tapos sa Commission on Audit pa, tapos siya contractor. It really doesn’t sound good. So, we’ll look into that,” dagdag pa niya.
Kahit ang simpleng anyo ng “impropriety” aniya ay sapat nang makasira sa tiwala ng publiko.
“Siyempre, dahil contractor ka ng gobyerno, makakuha ka ng mga kontrata sa gobyerno, di ba? Paano kung substandard? Paano kung ghost? Paano mo imbestigahan eh asawa mo yun? It really is a violation.”
“Dapat wala silang mga business—mga families nila lalo na—kagaya, contractor na. Mabuti sana kung contractor sa private firms, pero kung government projects, that’s very, very hard. Paano mo i-audit yung pamilya mo?,” pahabol ni Tulfo.