HINDI pa man nag-iinit ang puwet sa pwesto, usap-usapan na sa Palaayo ang napipintong pagsibak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz.
Sa isang ulat na unang inilabas ng Politiko, umarangkada na umano ang paghahanap ng pwedeng ipalit kay Ruiz.
Ang dahilan — hindi sapat ang husay ni Ruiz sa larangan ng “media operations.”
Buwan ng Pebrero nang italaga ni Marcos si Ruiz bilang Kalihim ng PCO – kapalit ni former Press Secretary Cesar Chavez na nagbitiw sa pwesto matapos umano tablahin ng Palasyo ang hiling na pamunuan ang Department of Transportation.
Sa nakalipas na tatlong taon ng panunungkulan ni Marcos sa Palasyo, apat na ang hinirang mamuno sa PCO — sina Atty. Trixie Cruz-Angeles, Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, Chavez at Ruiz. Maliban kay Cruz-Angeles, ang lahat ng hinirang na PCO Secretary sa ilalim ng administrasyong Marcos ay mula sa hanay ng mga mamamahayag.
Ayon sa isang impormante sa Palasyo, kabilang sa mga posibleng ipalit kay Ruiz si Presidential Task Force on Media Security Undersecretary Joe Torres. Bago itinalaga sa PTFOMS, nagsilbi rin si Torres bilang Director-General ng Philippine Information Agency.
