SA halip na trabaho, bilangguan ang kinasadlakan ng 12 Pinoy matapos hatulan ng korte sa Malaysia dahil sa paggamit ng pekeng entry permit ang hawak ng mga nagpakilalang overseas Filipino workers (OFW).
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), papunta na sana sa Laos ang 12 hindi pinangalanang Pinoy nang pigilan ng Malaysian authorities bunsod ng mga pekeng dokumento.
Sa interogasyon ng mga awtoridad sa naturang bansa, inamin ng mga suspek na ang mga pekeng entry permit mula umano sa mga illegal recruiters na nag-alok ng trabaho bilang call center agent sa bansang Laos. Anila, na-engganyo umano sila sa P50,000 buwanang sahod na pangako ng illegal recruiter.
Batay sa rekord ng husgado, lumalabas na bumiyahe ang mga OFW mula Pilipinas patungong Sabah gamit ang ilegal na ruta bago natimbog sa border ng Malaysia at Thailand noong Pebrero 2025.
Mayo 20 nang sentensyahan ng korte sa naturang bansa ang 12 Pinoy. Gayunpaman, namagitan ang Philippine Embassy na nauwi sa tatlong buwan ng pagkabilanggo.
Muli namang nanawagan ang DMW sa publiko na mag-ingat sa mga alok na trabaho online.
