
LAS VEGAS, NEVADA – Sa trahedya nagwakas ang relasyon ng isang Pinay at dating ka-relasyon nitong Amerikano matapos dukutin, i-hostage at patayin ito ng nagpakamatay din ex-lover sa Las Vegas Valley.
Sa report ng Las Vegas Metropolitan Police Department (LVMPD), dinukot ng suspect na si Steven Robert Evans, 41, ang biktimang Pinay na si Rizza Abrera, 38, sa isang nail salon na pag-aari ng Pinaysa Eastern Avenue.
Sinabi na kinaladkad ng suspect ang Pinay habang armado ng baril at isinakay sa sasakyan nito.
Nang matunton ng kapulisan ang apartment ng dalawa ay hinostage pa ng suspect ang Pinay at kanilang mga anak. Nagakaroon ng mahabang negosasyon pero nagmatigas ang suspect kaya napilitan na ang LVMPD SWAT Team na pasukin ang apartment ng suspect.
Ngunit pagpasok ng awtoridad, nakita nilang patay na si Abrera at ang suspek.
Ayon sa LVMPD ang tama ng suspek ay “self-inflicted gunshot wound”.
Nakita sa loob ng apartment ang dalawang babae at isang 3-taong-gulang na bata na kasamang hinostage ng suspect. Wala pang inilalabas na impormasyon ang Les Vegas Metropolitan Police Department kung ano ang motibo ng suspect.
Hindi rin malinaw kung papano pinatay ng suspect ang biktima na kasalukuyang iniimbestigahan ng LVMPD Homicide section
Naulila ng biktima ang apat na anak nito kung saan ang bunso ang anak ng suspect sa Pinay.