
SA mga nakalipas na panahon, mabilis na dumarami ang nagnanais magtrabaho sa gobyerno sa kabila pa ng kakarampot na sweldong kalakip ng pwesto – halal man o hindi.
Hindi lingid sa publiko ang dahilan – may diskarte sa gobyerno.
Mayroong nagtamasa sa katiwalian, mayroon din naman ginagamit ang pagiging taong-gobyerno para paunlarin ang negosyo.
Ang doktrina ng serbisyo publiko, nauwi sa negosyo – dahilan kung bakit hindi na natutuwa ang mga tao. Nasaan na ang mga lingkod-bayan, anila.
Hindi kalayuan sa kabisera (National Capital Region) ang bayan ng Orani sa lalawigan ng Bataan kung saan may isang pilantropong binubuyo sa pulitika. Siya si Jon Arizapa – lumaki sa Barangay Mulawin, batang-Orani, tubong-Bataan.
Isang Kahig, Isang Tuka
Ang totoo, hindi galing sa mayamang pamilya si Arizapa. Katunayan, galing siya sa pamilyang ‘walang-wala’ ika nga ni Bokal Noel Valdecañas – “Ang swerte ng taong ito, galing sa wala pero naging matagumpay sa diskarte at sipag.”
Para kay Valdecañas, ang mga tulad ni Arizapa ang kailangan ng gobyerno – determinado, praktikal at buo ang dibdib.
Pero teka, sino nga ba si Jon Arizapa? Kwento ng mga kabarangay niya, isang-kahig, isang tuka ang pinagmulan niyang pamilya.
At dahil sa matinding kahirapan, napasabak agad si Jon sa trabaho sa murang edad.Lahat ng klase ng trabaho pinasok niya – janitor, waiter sa pipitsugin kainan, tricycle driver, mekaniko at construction worker, at iba pang pwedeng pagkakitaan sa marangal na paraan.
Pangarap ni Arizapa
Paglalarawan sa kanya ng mga kabarangay – ambisyoso ang noo’y batang Arizapa. Sa pagsisikap, naabot ang simpleng pangarap, ang makawala sa kahirapan.
Sa kanyang pagtindig sa kinatatayuan, hindi nakalimot si Arizapa na lumingon sa pinanggalingan at panatilihing nakatungtong ang dalawang paa sa lupa.
Para sa ngayo’y negosyanteng si Arizapa, walang dapat magbago sa kanya – may pera man o wala, siya pa rin naman daw si Jonjon Arizapa.
Nanatiling abala sa trabaho pero may oras para sa kanyang kapwa tao – nakikipag huntahan, nakikinig sa sentimyento, napaghihingahan ng himutok, daing at saloobin ng mga tao.
Tawag ng Pulitika
Sa dami ng kanyang natulungan, may nagbubuyo na sa kanyang pasukin ang magulong mundo ng pulitika – bagay na kanyang pinag-iisipan pa.
Batid ni Arizala kung gaano kadumi ang pulitika pero ang mga katulad niya ang higit na kailangan sa gobyerno – isang taong may direksyon at hindi tumitigil hanggang sa maisakatuparan ang pangarap.
Saksi ang Orani sa kanyang pag-unlad. Wika nga ng mga nakatatanda sa naturang bayan, tunay na ‘rags to riches’ (mula sa walang-wala) ang talambuhay ni Arizapa
“Determined people are usually extremely motivated and focused on what they want to achieve. Regardless of any hindrances or challenges, they maintain a resilient mindset and push through to succeed,” sambit naman ng isang kasama sa panulat bilang paglalarawan sa sumisibol na lider ng Orani, Bataan.
Pambato ng mga Kapitan
Bukod kay Bokal Noel Valdecañas, maging ang mga kapitan mula sa iba’t ibang barangay, kumbinsidong may magagawa sa bayan si Arizapa.
Anila, ang integridad, kaalaman, karanasan at kasanayan sa pagpapaunlad ng negosyo ang kailangan ng Orani.
Wika nga ng manunulat na si Dr. Jennifer Varney – “Good leaders possess self-awareness, garner credibility, focus on relationship-building, have a bias for action, exhibit humility, empower others, stay authentic, present themselves as constant and consistent, become role models and are fully present.”
“Maski wala pa siya sa pulitika ay aktibo nang tumutulong sa mga mahihirap na kananayan niya si Boss Jon; tahimik lang siya kung nagbibigay ng tulong,” anang isa sa mga barangay chairman na nagtutulak kay Arizapa na palawigin ang nakagawiang pagtulong sa kapwa-tao.
“Lalo na siguro, ani kapitan, kung nasa pwesto na sa gobyerno – lalong higit na makakatulong si Jon Arizapa sa mga mahihirap dito sa Orani.”