SA kabila pa ng umiiral na panuntunan ng Commission on Audit (COA) laban sa kulturang “epal,” huli cam ang pamamahagi ng bigas na nakalagay sa sako kung saan nakalimbag ang pangalan at mukha ng isang partylist congressman.
Sa larawang ipinaskil sa Facebook, hagip ng hindi pinangalanang netizen ang aktwal na pamamahagi ng relief goods sa mga residente ng Albay matapos ang pananalasa ng bagyong Kristine.
“Cringe ng may mukha yung mga sako ng bigas. Jusko. Sana yung funds for campaign, ipondo na lang nila sa pump boats,” saad sa komento ng isang netizen, kasabay ng patutsada kay Ako Bicol partylist Rep. Rizaldy Co.
Ayon naman sa komento ng ibang netizens, mas mabuting ginamit na lang umano ang ginastos sa pag-imprenta ng mukha ni Co para madagdagan ang relief goods.
Meron din nadismaya kay Ako Bicol solon, kasabay ng panawagan sa iba pang politiko na maging sensitibo sa mga pagkakataong higit na kailangan ang agarang tugon ng gobyerno kesa ang paandar ng mga politiko. Hindi anila angkop gamitin ang pagdurusa para isulong ang interes sa politika.
Taong 2013 nang ilabas ng COA ang Memorandum Circular 004 kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang paglilimbag ng pangalan o mukha ng mga opisyal sa mga medical and dental missions, feeding programs, pamamahagi ng relief goods, mga aktibidad tulad ng paligsahan sa larangan ng sports, mga pagtatanghal, pista at maging sa mga workshops at seminar na ginastusan gamit ang pondo ng pamahalaan.
“The display and/or affixture of the picture, image, motto, logo, color motif, initials, or other symbol or graphic representation associated with the top leadership of the project proponent or implementing agency/unit/office on signboards, is considered unnecessary,” saad ng COA sa inilabas na Memorandum Circular.
Banta ng COA, pwedeng sampahan ng kasong administratibo ang sinumang opisyal ng pamahalaan na lumabag sa panuntunan ng ahensya.
Karagdagang Balita
PINAKAMARAMI ANG BOTANTE: PERA BABAHA SA CALABARZON
WALANG PUTOL: ISA PA HIRIT 4TH TERMER ORION MAYOR
SANDRO KAY DUTERTE: HUWAG ISANTABI ANG MENTAL HEALTH