WALA maski isang bidder ang nagpahiwatig ng interes sa Rolls Royce na kinumpiska ng Bureau of Customs (BOC) mula sa mag-asawang Discaya na dawit sa flood control scandal.
Sa ikalawang public auction ng BOC sa Port Area sa lungsod ng Maynila, dalawang luxury cars — isang Toyota Tundra at ang Toyota Sequoia — na dating pagmamay-ari ng mag-asawang Discaya ang tuluyan nang nabili sa isinagawang subasta ng BOC.
Sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, lumalabas na anim ang sumali sa public auction kabilang ang RMCE Metal Products Trading Corporation na nakakuha ng Toyota Tundra sa halagang P3.48 milyon, na bahagyang mas mataas sa floor price na P3,473,253.97.
Nanalo naman sa bidding si Jose Maria Esteban III na nag-alok ng P6 milyon para sa Toyota Sequoia na may floor price lamang na P4,669,554.50
Walang kumagat sa presyo ng Rolls Royce na may floor price na P36,281,115 na dating may original price na mahigit P45 milyon.
Ayon sa bagong may-ari ng Toyota Tundra, masyadong mahal ang presyo ng dalawang natirang luxury vehicles pero kung mababawasan pa aniya ng 50% posibleng may makapag-uwi na rito.
Sinabi naman ni Atty. Chris Bendijo, Chief of Staff ng BOC kanilang titingnan ang pagsasagawa ng ikatlong public bidding, kasabay ng giit na walang plano ang kawanihan sirain ang mga sasakyan lalo pa’t prayoridad umano ng pamahalaan mabawi ang nawalang pondo ng bayan.
Sa kabuuan, umabot sa P9,510,300.00 ang nalikom ng BOC mula sa dalawang isinubastang luxury vehicles na kabilang sa mga mamahaling sasakyan na kinumpiska dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento o permit. (JULIET PACOT)
