BONGGANG-bongga na naman sa balita si dating Senador Bong Revilla na umano’y pinaniniwalaang nagtamasa sa mga ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Prosecutor General Richard Padullon na pasok na si Revilla sa talaan ng mga iniimbestigahan ng DOJ sa usapin ng flood control scandal.
Batay sa paunang imbestigasyon, kabilang ang isang alyas “Pogi” (na kalaunan ay natukoy na si Revilla) sa mga inginusong tumanggap ng pera bilang komisyon mula sa mga kontratista.
Gayunpaman, nilinaw ni Fadullon na patuloy ang preliminary investigation sa dalawa sa limang kasong ibinalik ng Office of the Ombudsman.
Si Revilla kasi ang sinasabing proponent sa proyekto batay na rin sa nakalap na mga dokumentong isinumite ng National Bureau of Investigation sa DOJ.
Samantala, kinumpirma ng Justice Department na may mga susunod pang kaso na darating sa kanila kaugnay pa rin ng flood control scandal.
Posible naman aniyang ilabas sa susunod na linggo ang subpoena kay Revilla sakaling makumpleto na ang mga dokumentong kinakailangan mula sa NBI. (JULIET PACOT)
