SA pagnanais na tiyakin na mababawi pa ng pamahalaan ang nawalang pera bunsod ng korapsyon, ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) ang pagpiit sa mga ari-arian at bank accounts ng mga personalidad at kumpanyang sabit sa flood control scandal.
Sa bisa ng freeze order, inaasahan naman na hindi na magagalaw o magastos ang perang nanggaling umano sa katiwalian sa mga proyekto kontra-baha.
Kabilang sa mga inisyuhan ng freeze order ang construction company na tumiba sa guni-guning proyekto kontra-baha.
Bukod sa mga kontratista, pasok din sa talaan ang mga opisyal ng pamahalaan na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act, Malversation of Public Funds and Property salig sa Revised Penal Code
Sakop ng utos ang 280 bank accounts, 22 insurance policies, ilang securities account, at 8 air assets.
Sa kasalukuyan, pasok sa freeze order ang nasa 4,679 bank account, 283 insurance policies, 255 motor vehicles, 178 real properties, 16 ewallet accounts at 3 securities accounts — katumbas ng tumataginting na P13 bilyon na bahagi ng P1.7-trilyong nalustay na pondo.
Samantala, patuloy naman ang isinagasawang pagsusuri ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa hangaring matunton ang ninakaw na kaban na bayan. (JULIET PACOT)
