ANUMANG dagdag-singil na ipapataw sa pasaherong “overweight” ay tutumbasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mabigat na parusa.
Sa isang kalatas, nagbabala ang LTFRB sa mga tsuper at operator ng mga public utility vehicles (PUV) laban sa pagpapataw ng dagdag-singil sa mga “malusog” na pasahero.
Anang ahensya, malinaw na paglabag sa regulasyon ng LTFRB, gayundin sa karapatang pantao ang anumang klase ng paniningil base sa anyong tao — pasahero man o konsyumer.
Una nang nakatanggap ng reklamo ang LTFRB hinggil sa mga driver at operator na naniningil ng doble-pasahe base sa itsura, sukat at timbang ng mga pasahero.
Paglilinaw ni LTFRB Chairperson Atty. Teófilo Guadiz, kesehodang payat o malapad, pang-isang tao lang na pamasahe ang pwede singilin.
Ayon kay Guadiz, papatawan ng kaukulang parusa ang sinumang PUV driver at operator na mapapatunayan lumabag sa regulasyon ng ahensya — bukod sa sa kasong kriminal na posibleng isampa ng biktima sa korte.
Hinimok din ng LTFRB chief ang publiko na magsumbong sa LTFRB Hotline 1342 ang sinumang maniningil ng labis sa itinakda ng ahensya. (LILY REYES)
