
Sa isang kalatas, ipinag-utos ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang isang manhunt at agarang pag-aresto kay dating Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) Director Supt. Rafael Dumlao III kaugnay ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng South Korean na si Jee Ick Joo noong 2016.
Base sa rekord ng korte, dinukot si Jee mula sa tinutuluyang bahay sa Angeles City at dinala sa Camp Crame noong Oktubre 18, 2016 ng mga pulis na bahagi ng di umano’y operasyon kontra droga.
Pagdating punong himpilan ng pambansang pulisya, sinakal umano ang Koreano hanggang mamatay sa loob mismo ng kampo — pagkatapos ay sinunog at itinapon ang labi ng biktima sa inidoro.
Una nang inabsuwelto ng isang Regional Trial Court sa Pampanga noong 2019 si Dumlao subalit pinawalang-bisa ng Court of Appeals (CA) ang naturang desisyon noong Hunyo 2024.
Hatol ng CA kay Dumao — habambuhay na pagkabilanggo sa kasong kidnapping with homicide, bukod pa sa P575,000 danyos. Sa isang hiwalay na kaso sinentasyahan ng husgado ang heneral ng hindi bababa sa 35 taon para sa kasong carnapping.
Nag-alok na rin ng isang milyong pisong pabuya ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Dumlao.