SA kabila ng mga pangako ng suporta, walang puwang ang pagiging kumpyansa, ayon kay Senator-elect Vicente Sotto III kaugnay ng pagnanais na mabawi ang liderato ng Senado mula kay Senate President Francis Escudero.
Para kay Sotto, maraming ulit na niyang nasaksihan ang “baliktaran” at “gapangan” bago pa man ang takdang araw ng botohan.
Una nang ibinahagi ni Senator-elect Panfilo Lacson na meron nang 13 senador ang nangakong susuportahan ang pagbabalik bi Sotto bilang senate president.
Aniya, walang sigurado hanggat hindi pa pirmado ng mga senador ang supportang kailangan sa botohan sa ilalim ng 20th Congress.
“Kapag nagkasundo-sundo kayo ‘ok we’re supporting you, we are going to support you or talk it over kung susuporta kami.’ Puro ganun pa lang ‘yan hanggang hindi nagkaka botohan o kaya ay nagkaka pirmahan, nothing definite. Ganun talaga, it’s my experience of more than 24 years,” wika ni Sotto sa isang panayam sa radyo.
Aniya, kung ideolohiya ang pagbabatayan, 13 senador ang sumusuporta sa kanyang pinaglalaban sa Senado.
“‘Yung ganung grupo ng senador ay sumusuporta sa ideolohiya namin na sinasabi naming independent, hindi subservient but cooperative,” ani Sotto.
Hindi rin aniya maiiwasan ang pagsawsaw ng Pangulo sa labanan ng Senate presidency, tulad aniya ng ginawa ni dating Pangulong Joseph Estrada na nagtulak kay yumaong Senate President Marcelo Fernan noong 1998.
Gayundin umano ang ginawa ng namayapang Pangulong Noynoy Aquino noong 2010.
Bukod kay Sotto, nagpahayag din ng interes ni Senador Imee Marcos (nakatatandang kapatid ng Pangulo) sa liderato ng senado. (ESTONG REYES)
