KUNG pagbabasehan ang siklo ng mga naganap na pagyanig ng lupa sa ating bansa, halos tiyak at nalalapit na ang trahedyang higit pa sa sinapit ng Turkey kung saan pumalo na sa 33,000 bilang ng mga nasawi.
Pangamba ng mga eksperto, nalalapit na rin ang tinaguriang “Big One” — ang malakas na paggalaw ng mga bitak sa lupa na mas kilala bilang faultline na bumabagtas sa limang lalawigang sakop ng dalawang rehiyon kabilang ang Metro Manila.
Batay sa pinakahuling pagsasaliksik ng Japan International Cooperation Agency (JICA), lumalabas na ang West Valley Fault System na nadiskubre sa Metro Manila at apat pang karatig lalawigan ay gumagalaw kada 350 taon at sa bawat paggalaw nito ay nagdudulot ng sukdulang lakas na aabot sa magnitude 7.2.
Ang nasabing faultline, na nagdulot ng mga matitinding pagyanig ng lupa sa nakalipas na 1,400 taon ay huling gumalaw 361 taon na ang nakaraan – sa madaling salita, hinog na ang tinatawag na “Big One”.
Base sa mga pag-aaral, mataas ang posibilidad na maganap na ang “Big One” anumang oras, bagay na tila nakalimutan nang tuluyan ng pamahalaang abala sa pagbiyahe kung saan-saang panig ng mundo.
Bukod sa nasabing faultline, marami pang ibang bitak sa Metro Manila ang tinutukoy ng JICA sa pagpapatuloy ng kanilang pag-aaral.
Sa mga natukoy na active faultline, ang West Valley Fault, anila ang ay kakayahang magdulot ng pinakamatinding dagok.
“Of the many natural disasters such as typhoons, volcanic eruptions, droughts and tsunamis that visit the Philippines, earthquakes pose the greatest threat to life, property and the economy,” saad pa ng bahagi ng JICA study na nagbabala din ng sukdulang dusa at delubyo kabilang pa ang pagkalugmok ng ekonomiya ng bansang nakasandal sa Metro Manila – ang rehiyong nag-aambag ng 35% ng kabuuang gross domestic product ng buong bansa.
Sa parehong pag-aaral, nagbabadya rin anila ang pagkawasak ng 40% ng mga kabahayan at 35% ng mga nakatayong pangkalahatang pasilidad tulad ng mga paaralan, ospital, simbahan at maging ang mga tanggapan ng pamahalaan sa loob ng 1,100 ektaryang sakop ng West Valley Fault System.
Nakikinita na rin sa nasabing pag-aaral ang pagbagsak ng mga imprastraktura tulad ng mga tulay, kalsada at iba pa, maging ang pagkaparalisa ng suplay ng kuryente, pagkawala ng suplay ng tubig at maging ang komunikasyon.
Higit pa sa mga ekonomiya at imprastraktura, pinangangambahan din ang pagpanaw ng may 55,000 katao – 35,000 na direktang biktima ng lindol at 20,000 naman mula sa mga kaakibat na aksidente tulad ng sunog, buhawi at ibang aksidenteng bunsod ng pag-uga ng lupa.
“The human loss, together with properties and economy losses of Metropolitan Manila will be a national crisis,” lahad din ng mga dalubhasang Hapon sa likod ng naturang malalimang pagsasaliksik.
Kaugnay ng kinatatakutan malakas na lindol na inaasahang yayanig sa malaking bahagi ng Metro Manila, inilabas na din ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang talaan ng mga barangay na direktang mahahagip ng East at West Valley Fault na bumabagtas sa mga lalawigan ng Rizal, Bulacan, Cavite, Laguna at Metro Manila.
Gamit ang Valley Fault System Atlas — koleksyon ng detalyadong mapang naglalarawan ng mga lugar na sakop ng fault zone, pasok sa talaan ng mga nasa peligro ang mga residente, imprastraktura at negosyo sa ilang bayan sa lalawigan ng Rizal, Quezon City, Marikina, Pasig, Makati, Taguig at Muntinlupa.
Mararamdaman rin ang malakas na lindol sa iba pang karatig ng probinsya ng Bulacan, Cavite at Laguna.
“We don’t usually use the word ripe because the fact would indicate that the West Valley Fault can move in our lifetime simply because the last earthquake that happened from this fault, most likely the 1658 earthquake 361 years ago and the interval of movement of the fault is roughly between 400-600 years. So that’s very close,” ayon pa sa Phivolcs.
Tinatayang aabot naman sa P2.3 trilyon ang halagang kakailanganin ng pamahalaan para sa rehabilitasyon pagkatapos ng lindol.
Kabilang sa mga inaasahang makakaranas ng matinding dagok bunsod ng malakas na lindol ang mga sumusunod:
Quezon City – Barangay Bagong Silangan, Bagumbayan, Batasan Hills, Blue Ridge B, Libis, Matandang Balara, Pansol, White Plains, Ugong Norte, Loyola Heights, Pasong Putik Proper (Pasong Putik) at Payatas.
Marikina City – Barangay Barangka, Industrial Valley, Malanday at Tumana
Pasig City – Barangay Bagong Ilog at Ugong
Makati City – Barangay East Rembo, Pembo, Rizal at Comembo
Taguig City – Barangay Bagumbayan, Bagong Tanyag, Upper Bicutan, Central Bicutan, Lower Bicutan, Maharlika Village, Pinagsama, North Signal Village, Central Signal Village, South Signal Village, Ususan at South Daang Hari.
Muntinlupa City – Barangay Alabang, Bayanan, Buli, Cupang, Poblacion, Putatan, Sucat at Tunasan.
Bulacan – Barangay San Isidro, Ciudad Real at San Roque sa lungsod ng San Jose del Monte; Barangay San Lorenzo sa Norzagaray; Camachin, Kabayunan, Sapang Bulak, Bayabas, Camachile at Pulong Sampaloc sa bayan ng Doña Remedios Trinidad.
Laguna – Barangay Calendola, GSIS, Sampaguita Village, San Antonio, San Vicente, Riverside at United Bayanihan sa lungsod ng San Pedro; Poblacion, Malamig, San Francisco (Halang) sa lungsod ng Biñan; Barangay Sto. Domingo sa lungsod ng Sta. Rosa; Barangay Casile sa bayan ng Cabuyao; Barangay Canlubang sa Calamba City.
Cavite – Barangay San Jose sa bayan ng Gen. Mariano Alvarez; Barangay Bancal, Cabilang Baybay, Lantik at Mabuhay sa Carmona; Barangay Carmen at Inchican sa Silang.
Rizal – Barangay Ampid, Dulongbayan-Dos, Guinayang, Malanday, Maly at Sta. Ana sa bayan ng San Mateo; Barangay Burgos, Macabud, San Jose, San Isidro at San Rafael sa bayan ng Montalban.
Ang tanong – handa na ba tayo? Saan mang anggulo tingnan, parang hindi naman!