SA gitna ng krisis sa enerhiya na kinakaharap ng bansa, isang mungkahi ang inihain ng kongresista bilang solusyon sa lumalalang problema — ang paggamit ng renewable energy sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa buong bansa.
Para kay Abra lone district Rep. JB Bernos, higit na angkop ang agarang solusyon sa patuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo, gayundin ang bayarin sa kuryente.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Bernos ang paggamit ng solar panel at iba pang anyo ng renewable energy para na rin aniya makatipid ang gobyerno sa gastusin tulad ng buwanang singil sa konsumo ng kuryente, gayundin sa petrolyong gamit ng mga sasakyang pag-aari ng gobyerno.
Ayon kay Bernos, ang pagpapatupad ng four-day workweek sa executive branch ay patunay sa pangangailangang bawasan o magtipid sa gastusin ng pamahalaan sa gitna ng nararanasang fuel at energy crisis dala ng giyera sa Middle East.
“The implementation of a four-day workweek in some offices in the Executive branch underscores the need for us to shift away from our dependence on oil towards more renewable energy sources,” mariing pahayag ng Abra solon.
“Hindi po ito ang huling pagkakataon na magmamahal nang todo ang petrolyo dahil limitado ang supply, kaya dapat tayo na mismo ang gumawa ng paraan para mabawasan ang negatibong epekto nito,” dugtong niya.
Panawagan ng mambabatas sa mga kabaro sa Kongreso, agad na pagtibayin ang inihaing House Bill 3126 (On-Grid Solar Energy Systems bill) na naglalayong bawasan ang electricity cost sa government-owned building at offices, gayundin ang pagiging dependent sa on-grid power supply.
Sa ilalim aniya ng naturang panukala, inaatasan ang mga sangay ng pamahalaan na kunin sa on-grid solar energy systems ang 20 porsyento ng average monthly utilization (AMU), isang taon matapos makabitan ng nasabing sistema.
“The AMU by such systems would then increase to 40 percent within the second year, 60 percent in the third year, 80 percent in the fourth year, and 100 percent in the fifth year,” dagdag ng kongresista.
Ani Bernos, sa kasalukuyan, ang on-grid solar systems ang siyang pinakamura at maaasahang renewable energy (RE) source na maituring na rin bilang long-term investment ng pamahalaan.
“Considering that solar panel technology has become much cheaper to the point that it is even viable for home use, not to mention a typical lifespan of 25 to 30 years, there is hardly any reason why the government shouldn’t shift to a resource that we have an abundance of,” pahabol ni Bernos.
