HINDI lahat ng booking platforms magdadala sa inyo sa asam-asam na bakasyon, ayon sa grupong Digital Pinoys, kasabay ng babala laban sa mga di umano’y sindikatong hangad lang manloko.
Panawagan ng Digital Pinoys sa Department of Tourism (DOT), agarang imbestigasyon sa anila’y kabi-kabilang pambibiktima ng sindikato sa likod ng mga pekeng booking platforms na nag-aalok ng engrandeng bakasyon sa mga sikat na tourist destinations.
Payo ni Ronald Gustilo na tumatayong national campaigner ng nasabing grupo sa mga target magbakasyon, maging mapanuri sa mga website at mabusising pagsusuri sa mga accommodation bago pa man mag onboard sa online app.
Aniya, maging sa social media bumabaha na rin ng reklamo ng mga nadenggoy ng mga scammers na gumagamit ng Facebook, Twitter, Tiltok, Instagram at iba pang social media platforms sa modus operandi.
Paliwanag ni Gustilo, modus ng mga scammer ang pagnanakaw ng litrato mula sa mga lehitimong resort at vacation homes, at mag-aalok ng mga murang presyo bilang pang-enggayo sa mga tao.
Fake account din aniya ang ginagamit sa paglalako ng booking.
Hindi rin aniya niya irerekomendang magbigay ng paunang bayad kung hindi rin lang siguradong lehitimo ang ka-transaksyon.
Payo ni Gustilo, tawagan ang ka-transaksyon sa pamamagitan ng video call, rebisahin ang feedback ng ibang netizens at iba pang angkop na pag-iingat laban sa aniya’y nagkalat ng manloloko.
Karagdagang Balita
BAYAD NG 300 TURISTA, DI NA BINALIK NG VILLA TOMASA
8 LUGAR SA PINAS, NOMINADO PARA SA UNESCO HERITAGE SITES
CAPTAIN’S PEAK RESORT, HINDI NAG-IISA SA CHOCOLATE HILLS