NASA ilalim na ng kustodiya ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang bahagi ng pinaniniwalaang rocket debris na bumagsak sa karagatang sakop ng Sulu sa gawing katimugan ng bansa.
Sa impormasyong ibinahagi ng PCG, araw ng Sabado nang matagpuan ng isang hindi pinangalanang mangingisda ang naturang bahagi ng rocket (na markado ng bandila ng China) sa Barangay Suang Bunah sa sakop ng bayan ng Pangutaran sa nabanggit na lalawigan.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng Pangutaran Municipal Police Station na isang mangingisda ang nakadiskubre at humila sa debris noong Disyembre 30.
Muli namang nagpaalala ang PCG na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang makitang kahina-hinalang bagay sa dagat upang masiguro ang kaligtasan ng publiko. (EDWIN MORENO)
