ILANG araw bago ang takdang ultimatum ng Palasyo sa ilegal na operasyon ng offshore gaming hubs, isang Chinese national na di umano’y boss ng isang POGO company ang dinukot sa Paranaque City ng mga nagpakilalang pulis.
Batay sa kuha ng closed circuit television (CCTV) camera, lulan ng isang puting van ang mga suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis na pumasok sa isang exclusive subdivision dakong alas 3:20 ng hapon.
Nang makapasok sa bahay ng biktima, dinisarmahan ng anim na suspek ang security guard at at dali-daling sinakay sa van ang Chinese national.
“Pumasok po sila around 3:20 pm at lumabas around 3:50 pm siguro. Around 30 minutes sila sa loob ng village,” wika ni Lt. Col. Eric Angustia na tumatayong assistant chief of police for administration ng Parañque City Police Station.
Paglilinaw ni Angustia, hindi totoong pulis ang mga suspek na nakapasok di umano sa subdivision matapos magpanggap na magsisilbi ng arrest warrant.
“Ayon sa security guard sa Gate 1, nagpakilala sila na mga pulis at may operation sa loob, magsi-serve ng isang warrant of arrest. Nagpanggap lang ito na mga pulis para mabilis makapasok,” dugtong ni Angustia.
Samantala, nananatiling blangko ang pulis sa kinaroroonan ng biktima.
Gayunpaman, kumbinsido ang pulisya na kapwa Chinese national ang nasa likod ng anila’y kidnap-for-ransom – “Isa kasi sa modus ng mga Chinese, kung hindi nakapagbayad ng utang, pinapakidnap nila ang kanilang kababayan at pinapatubos din sa mga kamag-anak doon sa China, related din po sa POGO.”
