SA kabila ng bahagyang pagbagal ng inflation, patuloy ang pagdurusa ng mga mamamayan bunsod ng pagtaas sa presyo ng pangunahing bilihin tulad ng bigas.

Sa datos ng  Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 19.4 percent ang rice inflation mula sa 17.1 percent na naitala noong Hulyo.

Sa pagtaas sa presyo ng bigas, kasama rin tumataas ang “derivative products” na mula sa bigas, mais, harina at cereals.

Bumagal naman sa 4.6 percent mula 5.3 percent ang kabuuang food inflation dahil bumaba ng 3.4 percent ang presyo ng gulay. Humina rin ang pagtaas ng presyo ng mais, isda, mantika at taba.

Gayunpaman, nagmahal ang presyo ng mga aning gulay, prutas at palay dahil sa pinsala sa agrikultura na dulot ng mga nagdaang bagyo.

Pinakamalaki ang ambag ng pagkain at non-alcoholic beverages sa inflation, kasunod ang pabahay at utilities, at transportasyon.

Bumilis sa 13.5 percent mula 11.9 percent ang transport inflation, habang bumagal sa 7.9 percent mula 8.2 percent ang pagtaas ng singil sa pabahay at utilities.

Umabot sa 5.2 percent ang average inflation mula Enero hanggang Agosto — malayo sa 2 hanggang 5 percent na target ng pamahalaan.

Bumagal sa 4.1 percent ang inflation sa Metro Manila at sa 6.6 percent sa labas ng kabisera. Pinakamataas naman ang naitalang ang inflation sa Davao Region at Caraga sa 8.9 percent, habang pinakamababa sa Ilocos Region na may 4.6 percent.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *