NI EDWIN MORENO
TIMBOG sa operasyong ikinasa sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte ang pangunahing suspek na pumatay sa brodkaster na si Juan Jumalon na mas kilala sa alyas na Johnny Walker.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Col. Jean Fajardo, nasa kustodiya na ng pulisya si Julito Mangumpit, alyas Ricky matapos maaresto ng pinagsanib na puwersa ng Misamis Occidental at Zamboanga del Norte PNP sa Dipolog City sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa Misamis Occidental para sa kasong murder.
Buwan ng Marso ng kasalukuyang taon nang madakip sina Boboy Sagaray Bongcawel at Renante Saja Bongcawel na nagnguso kay Mangumpit.
Pag-amin ni Fajardo, susunod na puntirya ng PNP ang mastermind na nag-utos kay Mangumpit na paslangin nni Jumalon.
Patuloy naman ang isinasagawang interogasyon kay Mangumpit para matukoy ang pagkakakilanlan ng mastermind at motibo sa pagpatay.
Samantala, tiniyak ng PNP spokesperson na ibibigay ng gobyerno ang gantimpalang P3.7 milyon sa mga impormanteng nagbigay-daan para mahuli ang mga suspek.
Nobyembre ng nakaraang taon nang putukan ng salarin ang brodkaster sa kalagitnaan ng programa sa radyo.
