MAS naging pursigido ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na habulin ang mga online sellers at social media influencers, matapos lumabas sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lumago sa higit P2 trilyon ang naitalang digital transaction sa ilalim ng digital economy.
Base sa datos ng PSA, pumalo sa P2.05 trilyon sa nakalipas na taon ang industriyang kinabibilangan ng e-commerce platforms tulad ng Lazada at Shopee.
Pasok din sa digital economy ang mga bloggers at content creators na kumikita sa social media.
Paglilinaw ng PSA, kabilang rin sa digital economy ang government digital services. Gayunpaman, wala pang isang porsyento ang ambag ng gobyerno.
Ayon sa PSA, nasa 9.68 milyong Pilipino ang bahagi ng digital economy.
Una nang sinabi ng BIR na obligasyon ng mga inline sellers at social media influencers magbayad ng 12% value-added tax sa pamahalaan sa hangaring makalikom ng P248 bilyong karagdagang kita.
