WALANG puwang sa pamahalaan ang katiwalian, ayon kay Land Transportation Office (LTO) chief Markus Lacanilao, matapos patawan ng suspensyon laban sa hepe ng regional office sa Mimaropa region.
Sa isang pahayag, tahasang tinawag na modus ang pag-antala — kung hindi man pag-ipit sa mga dokumentong kailangan ng mga kliyente para maobligang maglabas ng perang “pampabilis” sa proseso.
Pag-amin ni Lacanilao, isang reklamo ang idinulog sa LTO Central Office hinggil sa umano’y hirit na buwanang tarang hinihingi ng empleyadong nakatalaga sa tanggapan ng regional director.
Ang halaga — P50,000 kada buwan para tiyakin walang aberya sa transaksyon sa kawanihan.
Isa umano sa mga nagreklamo ay nagpadala ng pera sa pamamagitan ng money remittance service at may kalakip na resibo bilang ebidensya.
Dagdag pa ni Lacanilao, may ilang transport groups na rin ang nagreklamo dahil sa hirit na P7,000 kada unit ng sasakyan para hindi hulihin ng mga LTO enforcers.
Hindi rin pinalampas ni Lacanilao ang aniya’y kawalan ng maayos na serbisyo sa publiko.
Garantiya ng LTO chief, hindi palalampasin ang katiwalian hanggat siya ang nanunungkulan sa kawanihan. (LILY REYES)
