SA gitna ng hindi maawat na pagsirit sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, lima sa kada 10 pamilya ang kumbinsidong kabilang sila sa tinatawag na maralitang Pilipino.
Sa resulta ng survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS), 50 percent ng mga nakapanayam ng research firm ang nagsabing sila’y mahirap, habang nasa 12 percent naman ang nasa tinatawag na “borderline.” Pumalo naman sa 38 percent naman ang nagsabing hindi sila mahirap.
Pinakamataas ang self-rated poverty sa Mindanao na umabot sa 69%. Bumaba naman sa Visayas mula 60% patungong 54%, habang tumaas sa Metro Manila mula 36% patungong 43% at sa Balance Luzon mula 38% patungong 42%.
Sa mga pamilyang nagsabing mahirap sila, 36% ang “always poor” o hindi pa naranasang hindi maging mahirap, 8.7% ang “usually poor” o hindi mahirap lima o higit na taon ang nakalipas, at 5.7% ang “newly poor” o hindi mahirap isa hanggang apat na taon ang nakalipas.
Pagdating sa pagkain, 41% ng mga pamilya ang nagsabing kulang ang kanilang kinakain o “food-poor,” 11% ay nasa “food borderline,” at 47% ang nagsabing sapat ang kanilang pagkain.
Isinagawa ang survey na nilahukan ng 1,500 indibidwal na nasa hustong gulang mula Setyembre 24 hanggang 30.
