HINDI na umabot pang buhay ang 65-anyos na driver matapos mahulog sa bangin ang minamanehong sports utility vehicle (SUV) sa bayan ng Cavinti sa lalawigan ng Laguna.
Sa ulat ng Calabarzon Regional Police Office, sugatan din ang lima pang pasahero – kabilang ang dalawang senior citizen at 11-taong gulang na batang sakay ng SUV.
Ayon sa mga nakasaksi sa aksidente, binabagtas ng Mitsubishi Expander ang kurbadang bahagi ng national highway sa Barangay Duhat nang mawalan ng kontrol ang driver sa minamanehong sasakyan dahil sa madulas na kalsada.
Sumalpok pa umano ang SUV bago tuluyang mahulog sa bangin. Agad naman isinugod ang mga biktima sa pagamutan kung saan idineklarang dead on arrival ang driver.
