KASABAY ng paggunita sa taunang Araw ng Patay, nabisto ng isang konsehal sa bayan ng Brooke’s Point sa lalawigan ng Palawan ang “paglulungga ng anim na multo” sa naturang lokalidad.
Sa isang privilege speech, partikular na tinukoy ni Konsehal Nathan Lacanilao ang anim na ghost projects sa ilalim ng Palawan Water Development Program alinsunod sa kasunduang nilagdaan ni dating Mayor Jean Feliciano at ng pamahalaang panlalawigan.
Hirit ni Lacanilao sa mga kapwa konsehal, imbestigahan ang nawawalang anim na elevated water tanks na dapat sana’y naitayo noon pang 2016. Matapos ang siyam na taon, wala pa rin umano maski isang tangke sa lugar kung saan dapat aniyang nakatayo ang elevated water tanks.
Gayunpaman, nilinaw ni Lacanilao na meron nang mga pundasyong balot na ng naglalakihang damo.
Target ng naturang proyekto magsilbing imbakan ng malinis na tubig para sa mga residente ng Barangay Calasaguen, Ipilan, Aribungos, Pangobilian, Tubtub, at Samariniana.
