Ni LILY REYES
NAGBABALA ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mas mataas na antas ng peligro bunsod ng posibilidad ng pagpalo sa “extreme danger” level na 57°C na heat index sa bansa.
Sa inilabas na public advisory ng PAGASA matapos umabot sa 53°C ang heat index sa Iba, Zambales noong Linggo, muling nanawagan ang ahensya sa publiko na iwasan muna lumabas sa kung wala rin lang importanteng lakad.
Samantala, muling nanguna ang Dagupan City na nakapagtala ng nakakapasong 48°C, kasama ang 10 iba pang lugar kabilang ang Pasay City, Aparri sa CAgayan, Pili sa Camarines Sur, Tacloban City, Masbate, Puerto Princesa, Virac sa Catanduanes, Iloilo at Laoag.
Paulit-ulit na abiso ng ahensya, ibayong ingat laban sa epekto ng matinding tag-init tulad ng heat cramp, heat exhaustion at heat stroke sa mga lugar na nakakaranas ng danger level heat index, na mula 42 hanggang 51°C.
