Ni ESTONG REYES
PARA kay Senate President Juan Miguel Zubiri, hindi dapat patulan ng Kongreso ang mga kontrobersiyang puro tsismis lang ang basehan, kasabay ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na huwag pahintulutan ang paggamit ng Senado sa pamumulitika.
Partikular na tinukoy ni Zubiri ang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa hinggil sa tinaguriang PDEA Leaks kung saan nakaladkad ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa kalakaran ng droga.
Hinikayat din ng Senate President ang mga kapwa mambabatas na maging mas maingat at mapanuri sa mga tangkang gamitin ang senado sa aniya’y “political persecution.”
“While certain claims were made, documentary evidence is yet to be presented. There were no pictures, no corroborating testimonies. In other words, this was solely based on the testimony of one person based on what appears to be hearsay evidence,” wika ni Zubiri sa isang pulong-balitaan.
Sa pagdinig ng komite ni dela Rosa sa tone-toneladang drogang nasamsam sa Batangas, biglang lumutang ang isang nagpakilalang dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na si Jonathan Morales, bitbit ang sipi ng dokumento kung saan nakalagay ang pangalan ni Marcos at Soriano bilang target ng ahensya sa kampanya ng pamahalaan laban sa droga noong Marcos 2012.
“The drug test of the President is being brought up, even though it does not appear to be germane to the subject of the motu proprio investigation,” giit ng Senate President.
Sa ilalim aniya ng umiiral na batas, nananatiling inosente ang isang tao maliban na lamang kung napatunayan ng walang bahid alinlangan ng husgado ang pagkakasala ng isang akusado.
Dapat rin aniya tupdin ng Senado ang doktrinang tinawag niyang “rules of evidence” sa senate investigation “in aid of legislation” na ang hangad lang ay mabatid ang katotohanan batay sa katibayan.
“Otherwise, the faith of people in inquiries in aid of legislation may be diminished, especially when it causes reputational damage to other parties,” dagdag ni Zubiri.
