SA pagnanais tiyakin hindi na magagawa pang harangin ng Chinese Coast Guards ang mga barko ng Pilipinas na naghahatid ng mga pangunahing pangangailangan ang mga sundalong Pinoy sa Ayungin Shoal, target ng pamahalaan gumamit ng mga sasakyang panghimpapawid.
Ayon kay National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, isa sa mga kinokonsidera ng pamahalaan ang tinatawag na airdrop o ang pagbabagsak mula sa himpapawid ng bulto-bultong supply sa ibabaw ng BRP Sierra Madre gamit ang eroplano.
Paliwanag ni Malaya, ang pagbabago ng estratehiya ay alinsunod umano sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“There is an operational mix that is available to us. We can do other types of resupply other than a naval resupply. We can do an airdrop, we can do other just to be able to resupply our troops and keep BRP Sierra Madre in working condition,” ani Malaya sa isang panayam sa ABS-CBN News.

“Those adjustments, of course, are there so that we are no longer placed in a difficult position when we do our resupply missions,” dugtong ng senior national security official.

Nito lamang nakaraang linggo na nang muling barakuhin ng Chinese Coast Guard ang resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) gamit ang high-pressure water cannon habang naglalayag patungo sa Bajo de Masinloc sa Zambales.
Una nang tinabla ni Marcos ang mungkahing kabitan din water cannon ang mga PCG vessels para igiit ang soberanya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
“The last thing we would like is to raise tensions,” ani Marcos.
Pinabulaanan na rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang giit ng China kaugnay ng tinaguriang “new model agreement” sinang-ayunan di umano ng mga opisyales ng kasalukuyang administrasyon.
“BRP Sierra Madre is not going anywhere. If the Chinese think that it’s going to fade into the sea anytime soon, no it’s not,” garantiya ni Malaya.
Sa loob ng mahabang panahon, pilit inaangkin ng China ang buong China Sea sa kabila pa ng hatol ng Permanent Court of Arbitration na nagbasura sa tinatawag na “nine-dash line” ng naturang bansa.
