PATONG-patong na kaso ang nakatakdang isampa sa isang Chinese national na di umano’y nagpapanggap na doktor sa isang gusaling ginawang pagamutan sa lungsod ng Pasay.
Ayon sa National Bureau of Investigation – Dangerous Drugs Division (NBI-DDD), isinagawa ang pagsalakay matapos makatangap ng timbre ng isang impormante hinggil sa operasyon ng isang pekeng ospital at panggagamot, pagrereseta at pagbebenta ng gamot ng isang pekeng doktor.
Sa post operation report ng NBI, lumalabas na dalawang Chinese nationals ang arrestado sa ginawang pagsalakay sa tatlong-palapag na gusaling kumpleto sa kagamitan tulad ng ibang pagamutan.
Kumpiskado sa NBI ang isang ultrasound machine, stethoscope, prescription pad, medicine tablet, at iba pang kagamitang medikal.
Aminado naman ang isa sa dalawang nationals na wala siyang lisensya bilang doktor.
“I am not directly applying medicine. I am just applying injections, prescribing medicines. I did not know that it is illegal to practice medicine here in the Philippines without a license,” palusot ng di pinangalanang suspek.
Gayunpaman, nilinaw ni NBI Dangerous Drugs Division chief Atty. Ross Galicia na mahigpit na ipinagbabawal sa mga dayuhan manggamot, magreseta at magbenta ng gamot.
“Yung practice of medicine in the Philippines ay reserved to Filipinos. You have to be a Filipino para makapag-practice ka niyan. Number two, you have to graduate ng medicine and you have to pass the board exams,” paliwanag ni Galicia.
