Ni ESTONG REYES
MATAPOS magpahiwatig ng pagkontra si Senate President Juan Miguel Zubiri sa hiling ng Kamara na pagtibayin ang Absolute Divorce Bill, binuhay ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang panukalang panukalang Dissolution of Marriage na akma aniya sa 1987 Constitution at maging sa pananampalataya ng mga Pilipino.
Para kay Hontiveros, napapanahon na para isabatas ang Senate Bill 147 para mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang bawat Pilipino.
“Hinihintay ko lang na mailagay sa agenda ang pag-sponsor ko ng bill. I do hope my colleagues can support this important measure,” wika ng senador na tumatayong chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Hirit ng mambabatas sa mga kapwa senador, isalang sa deliberasyon ng plenaryo ang panukalang Dissolution of Marriage alinsunod sa rekomendasyon ng komite.
“We vow to continue to work in the Senate to pass necessary, though contentious, legislation despite the challenges we face,” aniya.
Base sa resulta ng 2017 survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station, lumalabas na 53 percent ang pabor sa panukalang diborsyo. Taong 2018 naman nang magsagawa ng sariling survey ang Catholic Radio Veritas kung saan 52 percent ang “strongly agree” o “somewhat agree” sa panukala.”
