KALABOSO sa ikinasang operasyon ng mga tunay na pulis ang tatlong nagpakilalang miyembro ng drug enforcement unit ng lokal na himpilan ng pulisya, na nagtangkang kotongan ang isang negosyante kapalit ng kalayaan ng “arestadong” kakuntsaba sa Cainta, Rizal.
Sa impormasyong nakalap mula sa Calabarzon Regional Police Office, kalaboso ang tatlong hindi pinangalanang suspek sa entrapment operation sa Barangay San Andres, Cainta dakong alas 5:00 ng umaga kahapon.
Batay sa ulat ng Cainta Police Station, isang negosyante ang nagtungo sa himpilan para magsumbong kaugnay ng natanggap na tawag sa mula sa isang grupong nagpakilalang pulis.
Kwento ng negosyante, pinadala niya ang kanyang telepono sa isang tinawag niyang Shin na kanyang aniyang pinakisuyuan para bumili sa convenience store gamit ang gcash. Gayunpaman, hindi na nakabalik sa kanyang tahanan ang pinakisuyuan.
Pagsapit ng gabi, isang tawag sa landline ang kanyang natanggap mula sa nagpakilalang miyembro ng drug enforcement unit ng pulisya. “Tubusin ko daw si Shin… tapos doblehin ko daw yung areglo para di ako idamay sa asunto sa droga kasi nga cellphone ko daw ang ginagamit ni Shin sa drug transactions,”
Bagamat diskumpyado, pumayag di umano siyang makipagkita sa isang lugar sa Barangay San Andres. Lingid sa kaalaman ng katagpo, nagtungo ang biktima sa himpilan ng pulisya para humingi ng saklolo.
Agad naman ikinasa ng Cainta Municipal Police Station ang operasyon kung saan huli sa akto dakong alas 5:00 ng umaga ang tatlong kalalakihan habang hawak ang salaping napagkasunduan.
Sa interogasyon, inamin ng mga suspek na hindi sila mga tunay na pulis. Anila, kasama nila si Shin sa planong kunan ng pera ang negosyante.
Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong robbery extortion at usurpation. Nagkasa na rin ng manhunt laban kay Shin na itinuturong utak ng “huli-me” modus.
