Ni JAM NAVALES
“Ang laki pala ng kanilang kita, so saan napupunta ang pera?” Ito ang malaking katanungan na ipinukol ng isang partylist congressman matapos masilip ang aniya’y P1.73.4 billion “gross margin” na naitala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa nakalipas na taon.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng labis na pagkadismaya si House Committee on Health Vice Chairperson at AnaKalusugan partylist Rep. Rey Reyes sa kabiguan ng PhilHealth isulong ang tunay na universal healthcare sa kabila pa ng malaking koleksyon mula sa buwanang kaltas sa sahod ng mga manggagawang miyembro.
Para kay Reyes, hindi dapat tinitipid ng ahensya ang mga miyembro.
“Patuloy ang pagtaas ng Philhealth premiums pero hindi naman nararamdaman ng ordinaryong mamamayan. Ang laki ng kita ng Philhealth pero marami sa ating kababayan umaaray dahil halos wala naman nakukuhang benepisyo kapag sila ang nangangailangan,” wika ni Reyes.
“Ang laki pala ng kanilang kita so saan napupunta ang pera? Why is it being warehoused? Bakit natin ito tinitipid at hindi ginamit para matulungan ang ating mga kababayan?”
Sa halip aniya na pagtuunan ng pansin ang pagkakaroon ng dambuhalang ganansya, iminungkahi ng kongresista sa PhilHealth na bigyang-solusyon ang tinawag niyang “high out-of-pocket expenses” ng mga pasyente.
“Out of pocket spending for patients are too high. If we are going to pursue the essence of universal healthcare, dapat ang out of pocket ng mga miyembro ay less than 25 percent,” ayon pa sa AnaKalusugan partylist solon.
“Baka mas tamang ibalik na lang sa gobyerno itong kita ng Philhealth. Maybe we can find a way to create a program and ensure na hindi lalampas sa 25 percent ang total bill ng mga pasyente,” hirit pa ng pro-health solon.
Samantala, tiniyak ni Reyes na patuloy na isusulong ang pagsama sa nauna niyang ipinanukala na “Free Annual Check Up” bill sa magiging bagong bersyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Sa House Bill 430, target ni Reyes magkaroon ng isang programa kung saan ang lahat ng Pilipino ay magkakaroon ng libreng annual check-ups, na kinabibilangan subalit hindi limitado lamang sa blood sugar at cholesterol tests.
“Through free annual checkups, many Filipinos would have the opportunity to be diagnosed and treated early before their conditions worsen to life-threatening ailments such as diabetes and heart disease,” ayon kay Reyes.
