Ni ESTONG REYES
PIHADONG dadaan sa butas ng karayom lahat ng panukalang may endorso ng Palasyo sa napipintong pagsali sa minorya ng pinatalsik na Senate President Juan Miguel Zubiri at anim na kaalyado.
Sa isang panayam sa programang Headstart ng ABS-CBN News Channel, inamin ni Senador John Victor Ejercito ang plano ng grupo ni Zubiri na tatawaging Magic 7, kabilang sa pinag-aaralan ang pagpapalakas ng minorya sa Senado.
Partikular na tinukoy ni Ejercito ang posibilidad na makipagsanib pwersa kina Senador Aquilino Pimentel III at Risa Hontiveros – ang dalawang natatanging oposisyon bago pa man naganap ang pagpapalit ng tinaguriang kudeta sa Senado.
Gayunpaman, nilinaw ni Ejercito na patuloy pa rin aniya ang pag-uusap ng mga miyembro ng Magic 7.
“That’s one of the considerations because we are not part of the majority anyway,” wika ng senador.
Bukod kay Zubiri at Ejercito, pasok din sa Magic 7 sina Senador Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, Sonny Angara, Joel Villanueva, at Loren Legarda.
Pag-amin pa ni Ejercito, ideya nina Binay at Villanueva ang pagsapi sa minorya. Katunayan pa aniya, nakipag-usap na si Pimentel sa Magic 7.
“We are used to being in the minority from, I think, the majority of my life as a senator… we were in the minority with Sen. Nancy Binay,” dagdag ni Ejercito.
Bagamat titindig bilang minorya, nilinaw ni Ejercito na hindi naman aniya nangangahulugan na magiging kalaban na sila ng administrasyon – “Being in the minority does not mean you are against the administration. But we are just on the other side in the Senate leadership.”
Samantala, wala naman plano si Senate President Francis Escudero na pigilan ang pagtawid ng bakod nina Zubiri.
“Pasya nila yun pero sa ngayon base sa tradisyon at rules ng Senado, tinuturing namin silang bahagi sila ng mayorya… Kung maalala niyo after noong election by acclamation, dalawa lamang ang nag-manifest na sila ay nag-a-abtsain at di sumali sa boto kaya nanatili sila sa minority: Si Sen. Pimentel at saka si Sen. Hontiveros,” tugon ni Escudero.
“Malayang makakapag-manifest kahit anong oras basta may plenary session kami ang sinuman miyembro na umanib sa minority, pero sa ngayon bahagi sila ng mayorya.. Bahagi man sila ng mayorya o minorya, gaya ng sinabi ko sa talumpati ko matapos ako manumpa, tinuturing ko silang pare-parehong miyembro ng Senado.”
